MANILA, Philippines — Makikipagsabayan ang Pinoy national junior swimming team sa matitikas na tankers sa mundo sa pag-arangkada ng 8th FINA World Junior Swimming Championships ngayong araw sa Lima, Peru.
Pamumunuan ni Brent International School standout Micaela Jasmine Moj-deh ang kampanya ng Pilipinas.
Hindi na bago si Moj-deh sa mga international competitions.
Sa katunayan, galing sa matagumpay na kampanya sa Paris, France si Mojdeh kaya’t mataas ang moral nito bago sumalang sa world meet.
Limang individual events ang lalahukan ni Mojdeh.
Hahataw ito sa 200m individual medely, 400m individual medley, 200m butterfly, 100m butterfly at 400m freestyle.
Makakasama ni Moj-deh sa kampanya sina Filipino-British Heather White at Ruben White, at Amina Isabelle Bungubung na mga produkto ng Swim League Philippines (SLP) at Behrouz Elite Swimming Team (BEST).
Masisilayan sa aksyon si Heather sa 100m butterfly, 50m butterfly, 100m freestyle at 50m freestyle habang hahataw si Ruben sa 50m freestyle at 100m freestyle.
Aarangkada naman si Bungubung sa 50m freestyle at 100m freestyle.