Japan malinis pa rin sa AVC

MANILA, Philippines — Patuloy ang pananalasa ng Japan matapos dispatsahin ang Chinese-Taipei, 25-22, 25-22, 25-22, kahapon sa pagpapatuloy ng AVC Cup for Women sa Philsports Arena sa Pasig City.

Kinailangan ng Japan ng isang oras at 45 minuto bago masikwat ang ikalawang sunod na panalo para mapatatag ang kapit sa pamumuno sa Pool B tangan ang malinis na 2-0 rekord.

“It’s kinda hard for us to get on our own pace but at the end, we were able to play our volleyball. That was really nice,” ani Japan setter Mika Shibata sa pamamagitan ng isang interpreter.

Nanguna sa Japan si Yuki Nishikawa na kumana ng 11 hits kabilang ang walo sa first set habang nagdagdag naman si Miyu Nakagawa ng apat na hits, tatlong blocks at dalawang aces

Nakalikom naman sina Mizuki Tanaka at Asuka Hamamatsu ng tig-siyam na puntos para sa Japan.

Una nang tinalo ng Japan ang Thailand via staright sets sa opening day noong Linggo.

“We are getting better and better, little by little. We got to play our volleyball. The fact that we are winning two games in a row, that’s great,” dagdag ni Shibata.

Nasayang ang pinaghirapang 16 puntos ni Chang Li-Wen at 10 hits ni Lin Shu-Ho para sa Chinese-Taipei.

Haharapin ng Japan sa Huwebes ang Australia sa kanilang huling asignatura sa group stage.

Samantala, target ng PVL champion Creamline na makaresbak matapos yumuko sa kanilang ope­ning game kontra sa Vietnam.

Umani ang Pinay Spi­kers ng 19-25, 17-25, 29-31 kabiguan sa Vietnamese squad para mahulog sa 0-1 marka.

Ngunit daraan sa ma­tinding pagsubok ang Cool Smashers dahil sasagupain nito ang reigning champion China sa alas-7 ng gabi. 

 

Show comments