Skippers puro na sa D-League crown

MANILA, Philippines — Iniskor ni Juan Gomez de Liaño ang anim sa huling 10 points ng Ma­rinerong Pilipino para sa kanilang 72-67 paggupo sa EcoOil-La Salle sa  Game One ng 2022 PBA D-League Aspirants’ Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Tumapos ang University of the Philippines guard na may 9 points, 14 rebounds, 7 assists at 4 steals para ilapit ang Skippers sa pagwalis sa kanilang best-of-three championship series ng Green Archers.

“We just followed our team mindset and we prepared so hard for this game,” ani Gomez de Liaño sa kanilang 1-0 lead sa serye.

Ang kanyang basket sa natitirang 13.9 segundo ang nagbigay sa Marinero ng 68-64 abante kasunod ang three-point shot ni Evan Nelle na nagdikit sa EcoOil-La Salle sa 67-68 agwat.

Nagsalpak sina Jollo Go at Arvin Gamboa ng apat na free throws para selyuhan ang panalo ng Skippers na nakahugot kay Adrian Nocum ng 22 points, 5 boards at 3 assists.

Nag-ambag si Go ng 15 points at may 14 markers si Gamboa.

Pinamunuan ni Schonny Winston ang Green Archers sa kanyang 21 points.

 

Show comments