Dragic hinugot ng Bulls
CHICAGO — Plantsado na ang paglalaro ni veteran guard Goran Dragic para sa Bulls matapos pumayag sa alok sa kanyang one-year, $2.9 million contract.
Naglaro ang 36-anyos na si Dragic para sa Phoenix Suns, Houston Rockets, Miami Heat, Toronto Raptors at Brooklyn Nets.
Nagtala ang 14-year NBA veteran ng average na 13.7 points at nakasama sa All-Star team habang naglalaro para sa Heat noong 2017-18 season at natulungan niya ang koponang makapasok sa 2020 NBA finals.
Sa nakalipas na season ay tumipa si Dragic ng Slovenia ng average na 7.5 points para sa Raptors at Nets.
Sa pagbandera nina star guards DeMar DeRozan at Zach LaVine ay itinala ng Bulls ang kanilang best record sa nakalipas na pitong taon.
Samantala, kinuha ng Milwaukee Bucks sina dating NBA player DeMarre Carroll at dating Utah Jazz assistant coach Vince Legarza bilang assistant coaches.
Muling makakasama ni Carroll si Bucks head coach Mike Budenholzer matapos silang magsama sa Atlanta Hawks noong 2013-15 season.
- Latest