Magnolia vs TNT sa semis series

Jalalon bumida sa panalo
MANILA, Philippines — Iniskor ni Jio Jalalon ang pito sa kanyang 16 points sa overtime period para tulungan ang No. 3 Magnolia sa 112-106 pagsibak sa No. 6 NLEX sa Game Three papasok sa semifinal round ng 2022 PBA Philippine Cup kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Isinara ng Hotshots sa 2-1 ang kanilang best-of-three quarterfinals duel ng Road Warriors para labanan ang No. 2 TNT Tropang Giga sa best-of-seven semifinals series.
“I’m very proud because hindi kami nag-give up. i mean we’re down pero hindi kami nag-give up. the mental toughness nandoon, the grit, the determination,” ani coach Chito Victolero.
Humakot si center Ian Sangalang ng 24 points, 11 rebounds, 3 assists at 2 blocks para banderahan ang Magnolia habang may 21 markers si Paul Lee tampok ang limang triples.
Nagpasabog si Calvin Oftana ng 32 points, kasama ang 18 sa first half, para sa NLEX at may 22 markers si Don Trollano na nagsalpak ng anim na tres.
Walang koponang nakapagtayo ng double-digit lead kung saan isinalpak ni Lee ang isang tres na nagtabla sa Hotshots sa 97-97 sa huling 11.1 segundo ng regulation habang nagkaroon ng turnover si Oftana sa panig ng Road Warriors patungo sa extra period.
Ang dalawang sunod na layup ni Jalalon ang nagbigay sa Magnolia ng 101-97 bentahe sa pagsisimula ng overtime bago kumonekta ng dalawang sunod na triples si Trollano para sa 106-108 agwat ng NLEX sa huling minuto.
Umiskor ng apat na free throws sina Calvin Abueva at Mark Barroca para selyuhan ang panalo ng Hotshots
“Hats off to coach Yeng (Guiao) and his team,” ani Victolero. “They gave us a very, very good fight. Sobrang ganda laro nila. It boiled down to one possession, one rebound, one miss.”
Nauna nang nagposte ang Magnolia ng eight-game winning streak bago talunin ng NLEX sa Game Two para makapuwers ng ‘do-or-die’ Game Three.
- Latest