Apolinario bagong Pinoy world boxing champion

Dave Apolinario

MANILA, Philippines — May bago nang world boxing champion ang Pilipinas.

Inangkin ni flyweight Dave Apolinario ang bakanteng International Boxing Organization (IBO) crown matapos pabagsakin si d­ating three-division world champion Gideon Buthelezi sa first round knockout sa East London, South Africa.

Pinaganda ng tubong Maasim, Sarangani ang kanyang win-loss-draw record sa 17-0-0 kasama ang 12 knockouts.

Naikonekta ni Apoli­nario, tinawag na “Dober­man,” ang isang left straight-right hook combo kay Buthelezi (23-6-0, 5 KOs) na nagpabagsak sa South African.

Nabigo ang 36-anyos na si Buthelezi na makabangon mula sa 10 count ng referee na nagresulta sa panalo ng 23-anyos na si Apolinario.

Si Mark Magsayo ang huling Pinoy fighter na humawak ng isang world title, ngunit naisuko ang suot na World Boxing Council (WBC) featherweight belt kay Rey Vargas ng Mexico.

Dahil sa kanyang panalo ay inaasahang aakyat ang ranggo ni Apolinario sa mga mas prestihiyosong boxing organizations kagaya ng WBC kung saan siya No. 14), sa WBA (No. 6), IBF (No. 10) at WBO (No. 15).

Show comments