World class talaga Obiena ibang level na!
MANILA, Philippines — Muling gumawa ng kasaysayan si Tokyo Olympics veteran Ernest John Obiena matapos makasungkit ng tansong medalya sa prestihiyosong 2022 World Athletics Championships na ginaganap sa Eugene, Oregon sa Amerika.
Nagtala si Obiena ng impresibong 5.94 metro upang masiguro ang podium finish sa world meet.
Si Obiena ang kauna-unahang Pilipino na nakasikwat ng medalya sa World Championships.
Nakuha ni Obiena ang naturang marka sa kanyang ikalawang attempt.
Sinubukan ni Obiena ang 6.00 metro subalit nabigo ito sa kanyang anim na pagtatangka.
Dahil sa kanyang 5.94 metro na naitala, nawasak din ni Obiena ang kanyang dating Asian record na 5.93 metro.
“The best is yet to come. Philippines is the best in Asia for pole vault. And third best in the world. Hungry for more cookie,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Nagrehistro rin si Christopher Nielsen ng Amerika ng parehong rekord na 5.94 metro. Subalit nasiguro ng American bet ang silver medal matapos ang countback.
Napasakamay ni Olympic gold medalist at defending champion Armand Duplantis ng Sweden ang ginto matapos magtala ng bagong world record na 6.21 metro.
Nagpaabot ng mainit na congratulatory message si Pangulong Bongbong Marcos sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission.
“President Bongbong Marcos also said in Malacañang that regardless of the color of the medal, he will always be proud of the performances of the national athletes in international competitions since they are representing the country,” ayon kay PSC Officer-in-Charge Atty. Guillermo Iroy Jr.
Dahil sa tagumpay ni Obiena, inaasahang mabibigyan ito ng cash incentive base sa nakasaad sa Republic Act 10699 o mas kilala sa tawag na National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.
- Latest