MANILA, Philippines — Muling magtutuos ang Open Conference finalists Creamline at PetroGazz sa pagpapatuloy ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Nakatakda ang bakbakan ng Cool Smashers at Gazz Angels sa alas-5:30 ng hapon matapos ang duwelo ng Chery Tiggo at PLDT Home Fibr sa alas-2:30 ng hapon.
Sesentro ang atensiyon sa mainit na salpukan ng Cool Smashers at Gazz Angels.
Ipaparada ng Creamline si team captain Alyssa Valdez at Open Conference MVP Tots Carlos kasama sina Jema Galanza, Celine Domingo, Jeanette Panaga at playmaker Jia Morado.
Magbabalik din si opposite hitter Michele Gumabao na nagpasyang mag-leave of absence sa Open Conference dahil sa eleksiyon.
Idinagdag pa sa lineup ng Cool Smashers si outside hitter Bernadette Pons na bronze medalist sa beach volleyball ng Vietnam Southeast Asian Games.
Handa naman ang Gazz Angels na gawin ang lahat upang matapatan ang malakas na puwersa ng Cool Smashers.
Babanderahan ang Petro Gazz ni wing spiker Myla Pablo kasama sina MJ Phillips, Aiza Pontillas, Remy Joy Palma, Jonah Sabete at setter Chie Saet.
Idinagdag ng Gazz Angels sa kanilang tropa si Marian Buitre.
Wala pang linaw kung makalalaro si outside spiker Grethcel Soltones na nagpapagaling pa sa kanyang knee injury na natamo sa kasagsagan ng finals series sa Open Conference.
Nais ng Chery Tiggo na makaresbak matapos yumuko sa kanilang opening game laban sa Choco Mucho noong Sabado.
Papalo para sa Crossovers sina Mylene Paat, Shaya Adorador, Maika Ortiz, Jasmine Nabor, Joy Dacoron, Mae Layug, May Luna, Julia Angeles at Czarina Carandang
Tatapatan naman ito ng PLDT sa ngalan nina middle blocker Mika Reyes, Jovie Prado, Toni Rose Basas, Rhea Dimaculangan, Eli Soyud at Dell Palomata.