MANILA, Philippines — Naisuko ni Pinoy pride Mark Magsayo ang kanyang suot na World Boxing Council (WBC) featherweight crown matapos ang split decision loss kay Mexican Rey Vargas kahapon sa The Alamodome sa San Antonio.
Binigyan ni judge Jesse Reyes si Magsayo ng 114-113 points, habang pumabor kay Vargas sina judges Tim Cheatham (115-112) at David Sutherland (115-112).
Ito ang unang kabiguan ni Magsayo sa 25 laban tampok ang 16 knockouts.
Nangako ang 27-anyos na si Magsayo na babawiin ang korona kay Vargas sa isang rematch.
“It’s this today, no matter what I’ll come back stronger, I’m disappointed but I did my best,” wika ni Magsayo na lumalaban sa ilalim ng MP Promotions ni Manny Pacquiao.
Bunga ng kabiguan ni Magsayo ay wala nang Pinoy boxer na humahawak ngayon ng world boxing crown.
Nagretiro na ang world eight-division champion na si Pacquiao, habang naisuko nina Rene Cuarto (International Boxing Federation minimumweight) at Nonito Donaire Jr. (WBC bantamweight) ang kanilang mga titulo.
Naagaw ni Vargas (36-0-0, 22 KOs) ang WBC belt ni Magsayo bagama’t bumagsak sa ninth round.
“I’m at a loss of words. I worked hard for this. I want to thank God, my family, (trainer) Nacho (Beristain),” sabi ng Mexican na nauna nang naghari sa WBC super bantamweight division.
Maganda ang panimula ni Magsayo kung saan ilang solidong suntok ang naikonekta niya kay Vargas.
Isang matigas na right hand ang ipinatama ng 5-foot-6 na tubong Tagbilaran City, Bohol sa mukha ng 5’10 na Mexican na nagpabagsak rito sa ninth round.
Subalit nakatayo si Vargas at naiwasan ang tangkang pagliligpit sa kanya ni Magsayo hanggang sa pagtunog ng bell.
Sa kabuuan ng laban ay nakapagpatama ng mas maraming power punches si Vargas (135-of-339) kumpara kay Magsayo (92-of-250).