MANILA, Philippines — Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling ipinanalo ni Baser Amer ang Blackwater sa pamamagitan ng kanyang step back jumper.
Ipinasok ni Amer ang game-winning basket sa huling 1.6 segundo para sa 91-89 paglusot ng Bossing sa Phoenix Fuel Masters at patibayin ang kanilang tsansa sa quarterfinals ng 2022 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sumasakay ngayon ang Blackwater sa franchise-best na ikaapat na dikit na panalo na nagtaas sa kanilang record sa 5-1 papalapit sa quarterfinals seat.
Nalasap naman ng Phoenix ang pang-apat na sunod na kabiguan para sa 2-6 baraha.
Kumamada si rookie forward Ato Ular ng career-high na 34 markers at may 16 points si No. 1 overall pick Brandon Ganuelas-Rosser.
Ayon kay coach Ariel Vanguardia, parehong play ang kanyang ginamit kagaya nang ikonekta ni Amer ang kanyang jumper sa huling 1.2 segundo sa 90-89 panalo ng Bossing sa Meralco Bolts noong Hulyo 30.
“But if you review the play, there’s an opportunity for Baser to go backdoor to Rashawn (McCarthy) kasi open din naman si Rashawn,” ani Vanguardia. “Pero baka worry niya ma-turn over, open naman siya, kaya tinira niya na.”
Isinuko ng Fuel Masters ang itinayong 12-point lead, 40-28, sa second period at ang 89-86 abante sa natitirang 1:20 minuto ng fourth quarter.
Kinumpleto ni center Yousef Taha ang kanyang three-point play kay Javee Mocon para itabla ang Blackwater sa 89-89 sa huling 25.5 segundo.
Bigo naman si Matthew Wright sa kanyang tangkang tres sa panig ng Phoenix sa natitirang 6.1 segundo habang hinablot ni Taha ang defensive rebound at tumawag ng timeout.
Nang makuha ang inbound pass ay nilusutan ni Amer si rookie center Chris Lalata para sa kanyang game-winning jumper na nagbigay sa Bossing ng 91-89 kalamangan sa huling 2.1 segundo.