Didal ‘di umabot sa semis ng Olympic qualifying meet
MANILA, Philippines — Kagaya ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz ay target din ni national skater Margielyn Didal na makapaglaro sa 2024 Games sa Paris, France.
Nakakuha si Didal ng qualifying points makaraang tumapos bilang pang-18 sa hanay ng kabuuang 32 skaters na sumabak sa World Street Skateboard Championships sa Rome, Italy.
Ito ay una sa mga nakalatag na qualifying tournaments patungo sa Paris Olympics.
Kumolekta ang Asian Games gold medalist ng 37.95 points sa dalawang routines sa Open qualifier para pumuwesto sa No. 18 papasok sa quarterfinals.
Minalas siyang makakuha ng semifinals spot nang magtala ng 43.79 points.
Muling sasalang ang Cebuana skater sa mga nakalinyang qualifying meets ng World Skate hanggang Hunyo ng susunod na taon.
Makikipag-agawan si Didal sa 22 silya na hinati sa 20 quota places, isang host country nominee at isang universality slot sa women’s street event ng Paris Olympics.
Sa Tokyo Olympics ginawa ang debut ang skateboarding event kung saan pumuwesto si Didal sa pang-pito at bigong makapag-uwi ng anumang medalya.
Sa nasabing quadrennial edition binuhat ni Diaz ang kauna-unahang Olympic gold medal ng bansa sa pagrereyna sa women’s 55-kilogram division ng weightlifting competition.
- Latest