MANILA, Philippines — Sisikapin ng Arellano University na mabilis na mapataob ang Emilio Aguinaldo College upang masiguro ang tiket sa semis ng NCAA Season 97 women’s volleyball tournament ngayong hapon sa Paco Arena sa Maynila.
Mapapalaban ang Lady Chiefs sa Lady Generals sa alas-2:30 ng hapon.
Una munang masisilayan ang bakbakan ng San Sebastian College-Recoletos at San Beda University sa alas-12 ng tanghali.
Hawak ng Lady Chiefs ang ikalawang puwesto tangan ang 6-1 marka.
Nasa unahan ang College of Saint Benilde na una nang umentra sa Final Four matapos makuha ang 7-0 marka.
Sariwa pa ang Lady Chiefs sa 25-12, 25-13, 25-23 panalo laban sa University of Perpetual Help System Dalta noong Sabado para maikonekta ang kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Muling aasahan ng Arellano sina Kristine Adante, Nicole Sasuman, Princess Robles at Trina Abaya na siyang pangunahing pumupuntos sa kanilang tropa.
Pinayuhan ni Lady Chiefs head coach Obet Javier ang kanyang bataan na huwag magpakampante lalo pa’t gumaganda na ang laro ng Lady Generals.
“Hindi kami pwedeng maging overconfident. Galing sila (EAC) sa panalo and good motivation yun para sa kanila. We prepared for them dahil kilala naman namin natin si (EAC) coach Rod (Palmero) na hindi yan basta-basta bibitaw,” ani Javier.
Matapos ang limang sunud-sunod na kabiguan sa pagsisimula ng torneo, kumana ang Lady Generals ng dalawang sunod na panalo kabilang na ang 17-25, 26-24, 25-21, 25-17 pananaig laban sa Letran.
At nais ng Arellano na magkaroon ng magarbong pagtatapos ang kampanya nito sa season na ito.