MANILA, Philippines — Napanatili ng College of Saint Benilde ang mataas na lebel ng laro nito para mabilis na mapataob ang San Sebastian College-Recoletos, 25-11, 25-22, 25-14, at manatiling malinis ang rekord sa NCAA Season 97 women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena sa Maynila.
Naikonekta ng Lady Blazers ang ikaanim na sunod na panalo kung saan isang panalo na lamang ang kailangan nito para awtomatikong makuha ang unang silya sa Final Four.
Solido ang laro ng buong Lady Blazers squad kung saan bumandera sa opensa ng kanilang koponan si Jade Gentapa na pumalo ng 17 puntos kasama ang 10 digs.
Nagparamdam din si Mycah Go na kumana ng siyam na puntos, siyam na digs at apat na receptions habang nagsumite si Gayle Pascual ng siyam na hits.
Nakalikom naman si playmaker Cloanne Mondonedo ng 17 excellent sets at siyam na puntos.
Nagtamo ang Lady Stags ng ikalawang kabiguan para mahulog sa 4-2 marka.
Bumanat sina Katherine Santos at Bianca Ordona ng tig-10 puntos.
Magpapatuloy ang bakbakan ngayong araw tampok ang duwelo ng reigning champion Arellano University at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-12 ng tanghali.
Aarangkada rin ang salpukan ng Colegio de San Juan de Letran at EAC sa alas-2:30 ng hapon.