MANILA, Philippines — Sumampa sa win column ang Emilio Aguinaldo College matapos masawata ang Lyceum of the Philippines University, 26-28, 25-15, 27-25, 25-17, kahapon sa NCAA Season 97 women’s volleyball tournament sa Paco Arena sa Maynila.
Hindi maitago ang kasiyahan ni Lady Generals head coach Rod Palmero sa ipinamalas ng kanyang bataan na unti-unti nang natatagpuan ang tamang kumbinasyon.
“Kahit wala na kami doon sa top four, nakita ko na bago matapos yung season na nanalo kami. Nandun talaga yung eagerness ng team na makuha ang panalo,” ani Palmero.
Nagbida sa matikas na kamada ng Lady Generals si Krizzia Reyes na nagrehistro ng double-double na 24 points at 13 digs.
Sumulong ang EAC sa 1-5 rekord kasama ang Colegio de San Juan de Letran na may parehong marka.
“Sinabihan ko sila na ipakita lang yung character basta tuluy-tuloy lang yung ginagawa para di sila matigilan. I’m happy for them dahil nagbunga ang pagsisikap nila,” ani Palmero.
Nagdagdag naman si Catherine Almazan ng 14 hits para makatulong sa opensa ng Lady Generals.
Nahulog ang Lady Pirates sa 3-3 marka.
Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang Lady Generals para makahirit ng tiket sa susunod na yugto ng torneo.
Subalit daraan ito sa matinding pagsubok dahil makakasagupa nito ang defending champion Arellano University, Mapua University at Letran.