MANILA, Philippines — Kumapit ng husto ang San Sebastian College-Recoletos sa huling sandali ng laro upang maigupo nito ang University of Perpetual Help System Dalta, 24-26, 26-28, 25-20, 25-20, 17-15, kahapon sa National Collegiate Athletic Association Season 97 women’s volleyball tournament sa Paco Arena sa Maynila.
Ang panalo ang nagdala sa San Sebastian sa No. 2 spot kasama ang defending champion Arellano University tangan ang parehong 4-1 marka.
Kumuha ng lakas ang Baste kay Reyann Cañete na nagpasabog ng 25 puntos para pamunuan ang opensa ng kanilang tropa.
Umarangkada rin si Katherine Santos na pumalo ng 18 puntos habang naglista naman sina Kristine Dionisio, Kamille Tan at Bianca Ordona ng tig-10 puntos.
Nakagawa si Alexia Sison ng 20 excellent sets habang naglista naman si libero Jewelle Bermillo ng 14 digs at 14 receptions sa larong tumagal ng dalawang oras at 21 minuto.
Nanguna para sa Lady Altas si Rose Dapol na bumanat ng 18 puntos habang nagdagdag naman si Razel Aldea ng 14 hits.
Hindi rin napakinabangan ang 11 puntos at 11 digs ni Charmaine Ocado gayundin ang 10 points ni Hannah Suico para sa Perpetual Help.
Laglag ang Lady Altas sa No. 5 spot bitbit ang 2-3 baraha.
Magpapatuloy ang bakbakan sa Martes kung saan magtutuos ang lider na CSB at Mapua University sa alas-12 ng tanghali gayundin ang Arellano at Letran sa alas-2:30 ng hapon.