MANILA, Philippines — Malakas na puwersa ang pinakawalan ng Colegio de San Juan de Letran sa fifth set para kubrahin ang 21-25, 25-20, 25-15, 23-25, 15-9 pukpukang panalo laban sa San Beda University sa NCAA Season 97 women’s volleyball tournament kahapon sa Paco Arena.
Ang panalo ang nagdala sa Lady Knights sa win column hawak ang 1-3 marka.
Bumandera sa matikas na kamada ng Letran si Shereena Urmeneta na nagtala ng 16 puntos mula sa 12 attacks, dalawang blocks at dalawang aces.
Kasama ni Urmeneta sa ratsada sina Daisy Melendres at Julienne Castro na parehong kumana ng 12 puntos para sa Letran.
Sumuporta ang iba pang miyembro ng Lady Knights gaya ni Chamberlaine Cunada na nagpako ng 11 hits.
Malakas ang depensa ng Letran sa net nang magtala ito ng kabuuang 10 blocks kung saan nagsumite dito ng tig-tatlong blocks sina Melendres at Edma Musngi.
Nakalamang din ng bahagya ang Lady Knights sa Lady Red Spikers sa attacks (43-39).
Nanatiling mailap ang panalo para sa San Beda na nahulog sa 0-4 marka.
Nasayang ang 14 puntos na produksiyon ni Maxinne Tayag para sa Lady Red Spikers gayundin ang 12 puntos ni Patricia Manalac.