MANILA, Philippines — Pakay ng nagdedepensang Arellano University na makabalik sa porma sa pagsagupa sa Lyceum of the Philippines University sa pagpapatuloy ng NCAA Season 97 women’s volleyball tournament sa Paco Arena sa Maynila.
Nakatakda ang engkuwentro ng Lady Chiefs at Lady Pirates ngayong alas-2:30 ng hapon matapos ang bakbakan ng Emilio Aguinaldo College at University of Perpetual Help System Dalta sa alas-12 ng tanghali.
Magkakasosyo ang Lady Chiefs at Lady Pirates sa five-way tie sa No. 2 spot kasama ang Jose Rizal, Mapua at San Sebastian tangan ang magkakatulad na 2-1 marka.
Solo ng season host St. Benilde ang liderato bitbit ang 3-0 rekord.
Hangad ng Arellano na makabawi mula sa masaklap na kabiguan sa San Sebastian, 24-26, 24-26, 20-25.
Inaasahang reresbak sina Carla Donato at Nicole Sasuman para sa Lady Chiefs.