MANILA, Philippines — Tuluyan nang lilisanin ni RJ Abarrientos ang Far Eastern University upang maglaro sa professional level sa Korean Basketball League (KBL).
Ayon sa ulat ng Jumpball, kinuha ng Ulsan Hyundai Mobis Phoebus ang serbisyo ng mahusay na player.
Dalawang taon ang magiging kontrata ni Abarrientos para sa Ulsan.
Kasama si Abarrientos ng Gilas Pilipinas na naglaro sa dalawang friendly games laban sa South Korea.
Sa naturang tuneup games, nagtala si Abarrientos ng averages na 12.5 points, 2.0 rebounds at 2.0 assists.
Kaya naman napukaw nito ang atensiyon ng Korean basketball club.
Si Abarrientos ang ikalawang Pinoy na maglalaro sa KBL.
Una nang pumirma ng kontrata si SJ Belangel ng Ateneo de Manila University.
Maglalaro si Belangel sa Daegu Kogas.
May apat na playing years pa sana si Abarrientos sa UAAP.
Sa kanyang rookie year noong UAAP Season 84 men’s basketball tournament, naglista si Abarrientos ng averages na 13.8 points, 4.4 rebounds, 2.5 assists at 1.3 steal.