Robot ang mascot ng 2023 FIBA World Cup
MANILA, Philippines — Ipinakilala kahapon ang official mascot para sa 2023 FIBA Basketball World Cup na magkakasamang pamamahalaan ng Pilipinas, Japan at Indonesia.
Isang robot ang mascot na inilunsad ng International Basketball Federation (FIBA) na magiging larawan ng 2023 World Cup edition subalit wala pa itong opisyal na pangalan.
Dinisenyo nina Caloy mula sa Pilipinas, Kota ng Japan at Dewi ng Indonesia ang official mascot na siyang kakatawan sa tatlong bansa.
Tulad ng Pilipinas, Japan at Indonesia bilang host countries, ang robot mascot ay fun, friendly at sporty tampok pa ang malupit na dribbling skills at supersonic dunk ayon sa FIBA.
Mayroon din itong LED face para sa komunikasyon sa iba’t ibang fans sa buong mundo sa pamamagitan ng iba’t ibang lengguwahe.
Para sa pangalan nito, nagsimula na ang kompetisyon ng FIBA para sa mga fans na makakaisip hanggang Hunyo 30 sa official website ng FIBA Basketball World Cup 2023 at ang mananalo ay magwawagi ng official Molten ball na gagamitin sa mismong mga laro.
Nauna nang inilabas ng FIBA ang official World Cup logo noong 2020 pa lang na hugis puso tulad ng “battlecry” ng Gilas Pilipinas at representasyon din sa pagmamahal ng Asya lalo na ang Pinas, Japan at Indonesia sa basketball.
Pagkatapos mapili ang pangalan ng mascot ay iikot ang mascot sa Pilipinas, Japan at Indonesia simula sa susunod na buwan, lagpas isang taon pa bago ang mismong World Cup sa Agosto 2023.
- Latest