Boxers sumuntok ng 3 ginto
Pinas ‘di natinag sa 4th place
MANILA, Philippines — Hanggang fourth place lamang ang inabot ng kampanya ng Pilipinas sa pagsasara ng 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Kumolekta ang mga Pinoy athletes ng 51 gold, 69 silver at 93 bronze medals para sa No. 4 spot sa ilalim ng overall champion Vietnam (195-115-109), Thailand (84-97-126) at Indonesia (63-83-72).
Nang angkinin ang overall crown noong 2019 Manila SEA Games ay humakot ang Pinas ng 149 golds, 117 silvers at 121 bronzes kasunod ang Vietnam (98-85-105).
Ang pinakamababang tinapos ng Pinas sa SEA Games ay seventh place noong 2013 sa Myanmar sa nahakot na 29 gold, 34 silver at 37 bronze medals.
Nagdagdag kahapon ng apat na golds sina Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Felix Marcial, Ian Clark Bautista at Rogen Ladon sa men’s boxing at ang Gilas Pilipinas women’s basketball team.
Pinigil ni Marcial si East Timorese pug Delio Anzaqeci Mouzinho sa first round para angkinin ang ikaapat niyang sunod na ginto sa men’s 75-kilogram division.
Tinalo naman nina Bautista at Ladon sina Raengsey Sao ng Cambodia, 5-0, sa men’s -57kg at Thao Tran Van ng Vietnam, 3-2, sa men’s -52kg finals, ayon sa pagkakasunod.
Nagkasya si Olympian Irish Magno sa silver nang matalo kay Vietnamese Nguyen Thi Tam, 2-3, sa finals ng women’s 51kg.
Sa esports, minalas ang Philippines-Sibol na makamit ang gold nang yumukod sa Vietnam sa finals ng League of Legends at CrossFire events.
Sumikwat din ng silver sina muay warrior Philip Delarmino (men’s 57kg) at shooter Hagen Topacio (men’s trap).
May bronze sina Tokyo Olympics silver medalist Nesthy Petecio (women’s 57kg), Marjon Piañar (men’s 69kg), James Palicte (men’s 57kg), Josie Gabuco (women’s 45kg) at Riza Pasuit (women’s 54kg).
Ito rin ang nakamit nina gymnast Charmaine Dolar (women’s aerobic individual), shooter Carlos Carag (men’s trap) at muay fighters Mauro Lumba (men’s combat 81kg), Fritz Biagtan (men’s combat 60kg) at Ariel Lee Lampacan (men’s combat 57kg), Zephania Ngaya (vovinam women’s 60kg) at ang judo mixed team.
- Latest