June Mar, Kiefer bibida sa Gilas sa SEAG
MANILA, Philippines — Bibida si six-time PBA MVP June Mar Fajardo at ang nagbabalik na si Kiefer Ravena sa Final 12 roster ng Gilas Pilipinas para sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa susunod na linggo.
Inihayag kahapon ang bigating line-up na magdadala ng misyong masungkit ang ika-14 na gintong medalya para sa bansa sa regional biennial meet sa Mayo 12 hanggang 23.
Makakasama nina Fajardo at Ravena sina Mo Tautuaa, Isaac Go, Thirdy Ravena, Matthew Wright, RR Pogoy, Troy Rosario, Kib Montalbo, Will Navarro, Kevin Alas at teen sensation na si Lebron Lopez.
Hindi nakasali sa final team sina Dwight Ramos, Caelum Harris, Robert Bolick, Poy Erram at Japeth Aguilar na bahagi ng inisyal na 16-man training pool.
May iniinda pang injury mula sa katatapos lang na 2022 PBA Governors’ Cup finals si Aguilar habang kinailangang lumipad ni Bolick sa United States para sa family matter.
Dahil dito ay napalitan sa roster si Bolick ni Kiefer bilang late addition upang kumpletuhin ang koponan ni Gilas coach at program director Chot Reyes.
May SEA Games record na limang gintong medalya na si Kiefer at nabigyan ng pagkakataong mapalawig ito sa anim na sunod na gintong medalya matapos ding maging bahagi ng Gilas noong 2019 SEAG Games sa ilalim ni coach Tim Cone.
Manggagagaling si Kiefer at kapatid na si Thirdy sa kanilang kampanya sa Japan B. League para sa mother teams na Shiga Lakestars at San-en NeoPhoenix, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, babandera sa Gilas 3x3 team sina Brandon Ganuelas-Rosser, Jorey Napoles, Marvin Hayes at Reymar Caduyac ng Limitless Appmasters bilang kampeon ng PBA 3x3 First Conference.
- Latest