Heat tinapos ang Hawks papasok sa East semis

Dinakdakan ni Miami Heat center Bam Adebayo si Atlanta Hawks’ guard Kevin Hunter sa Game 5.

MIAMI — Tuluyan nang sinibak ng Heat ang Atlanta Hawks sa pamamagitan ng 97-94 tagumpay para umabante sa Eastern Confe­rence semifinal round.

Hindi naglaro sina ve­teran guards Kyle Lowry (left hamstring strain) at Jimmy Butler (right knee inflammation), ngunit nakuha pa ring patalsikin ng Miami ang Atlanta sa 4-1 sa kanilang best-of-seven first-round series.

Humataw si guard Vic­tor Oladipo ng 23 points habang humakot si center Bam Adebayo ng 20 points at 11 rebounds para sa top-seeded team.

Lalabanan ng Miami sa East semis series ang mananalo sa first-round matchup ng Philadelphia 76ers at Toronto Raptors.

Nag-ambag si Tyler Herro ng 16 points at may 15 at 10 markers sina Max Strus at Caleb Martin, ayon sa pagkakasunod, para sa Heat na nilimita­han si Hawks’ star guard Trae Young sa 11 points mula sa mahinang 2-of-12 fieldgoal shooting.

Umiskor si De’Andre Hunter ng 35 points para sa Atlanta na nakaba­ngon mula sa 15-point deficit at nakadikit sa 94-97 agwat sa huling 41.6 segundo, ngunit nabigong makatabla sa Miami.

Sa Phoenix, kumamada si Mikal Bridges ng 31 points sa 112-97 pagdaig ng Suns sa New Orleans Pelicans at kunin ang 3-2 lead sa kanilang Wes­tern Conference first-round series.

Sa Memphis, isinalpak ni Ja Morant ang isang layup sa huling segundo ng laro para iligtas ang Grizzlies laban sa Minnesota Timberwolves, 111-109, para angkinin ang 3-2 lead sa kanilang serye.

Show comments