Heat tinapos ang Hawks papasok sa East semis
MIAMI — Tuluyan nang sinibak ng Heat ang Atlanta Hawks sa pamamagitan ng 97-94 tagumpay para umabante sa Eastern Conference semifinal round.
Hindi naglaro sina veteran guards Kyle Lowry (left hamstring strain) at Jimmy Butler (right knee inflammation), ngunit nakuha pa ring patalsikin ng Miami ang Atlanta sa 4-1 sa kanilang best-of-seven first-round series.
Humataw si guard Victor Oladipo ng 23 points habang humakot si center Bam Adebayo ng 20 points at 11 rebounds para sa top-seeded team.
Lalabanan ng Miami sa East semis series ang mananalo sa first-round matchup ng Philadelphia 76ers at Toronto Raptors.
Nag-ambag si Tyler Herro ng 16 points at may 15 at 10 markers sina Max Strus at Caleb Martin, ayon sa pagkakasunod, para sa Heat na nilimitahan si Hawks’ star guard Trae Young sa 11 points mula sa mahinang 2-of-12 fieldgoal shooting.
Umiskor si De’Andre Hunter ng 35 points para sa Atlanta na nakabangon mula sa 15-point deficit at nakadikit sa 94-97 agwat sa huling 41.6 segundo, ngunit nabigong makatabla sa Miami.
Sa Phoenix, kumamada si Mikal Bridges ng 31 points sa 112-97 pagdaig ng Suns sa New Orleans Pelicans at kunin ang 3-2 lead sa kanilang Western Conference first-round series.
Sa Memphis, isinalpak ni Ja Morant ang isang layup sa huling segundo ng laro para iligtas ang Grizzlies laban sa Minnesota Timberwolves, 111-109, para angkinin ang 3-2 lead sa kanilang serye.
- Latest