Valdez ini-enjoy ang Brazil camp
MANILA, Philippines — Masaya si Creamline team captain Alyssa Valdez na mahawakan ng isang veteran coach gaya ni Brazilian mentor Jorge Edson Souza de Brito.
Nais ni Valdez na namnamin ang lahat ng pagkakataong makasama ang Brazilian coach dahil alam nito na marami itong matututunan.
“I’m just so thankful na I’m gonna be under and be mentored by one of the best also in Coach Jorge,” ani Valdez.
Sa katunayan, ito ang unang pagkakataon na sumalang si Valdez sa training camp sa labas ng Asya kasama ang women’s national volleyball team.
Kaya naman walang sasayangin na sandali ang Premier Volleyball League (PVL) Open Conference Finals MVP para makakuha ng mga bagong estilo.
“As a player, you wanna learn more from different cultures, different systems also,” ani Valdez na tinulungan ang Cool Smashers na masungkit ang PVL Open Conference crown kamakailan.
Isa si Valdez sa mga miyembro ng national team na kasalukuyang nagsasanay sa Brazil para paghandaan ang 31st Southeast Asian Games na idaraos sa Mayo sa Hanoi, Vietnam.
Kasama ni Valdez sina Kyle Negrito, Jaja Santiago, Mylene Paat, Aby Maraño, Majoy Baron, Ces Molina, Kath Arado, Dawn Macandili, Dell Palomata, Ria Maneses, Jema Galanza, Iris Tolenada, Kyla Atienza at Kat Tolentino.
- Latest