MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na kamada ng University of the Philippines (UP) nang paamuhin nito ang National University (NU), 84-76, upang makuha ang kanilang ikapitong sunod na panalo sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ang pinakamahabang winning streak ng UP sa Final Four era na nagpatatag sa kanila sa No. 2 spot tangan ang 7-1 baraha.
Naging matikas na sandalan ng Fighting Maroons si Carl Tamayo na nagtala ng career-high 21 points kasama ang 10 rebounds at tatlong steals.
Nagtala pa si Zavier Lucero ng 16 points, walong rebounds at tatlong blocks habang umani rin si Ricci Rivero ng 16 points at anim na rebounds para sa UP.
Nanguna para sa Bulldogs si John Lloyd Clemente na may 18 points at tatlong rebounds.
Bagsak ang Bulldogs sa 4-4 marka.
Sa ikalawang laro, nagsalpak si Matty Erolon ng game-winning triple ng Adamson University (AdU) para itakas ang 64-63 panalo laban sa Far Eastern University (FEU).
Umangat sa 2-6 ang Adamson habang nahulog sa 3-5 ang FEU.
Samantala, sinuspinde ng UAAP management committee ng isang laro si University of Santo Tomas player Bryan Santos dahil sa disqualifying foul na nagawa nito sa laban ng UST at Ateneo noong Sabado.
Nanaig ang UST sa University of the East, 72-61, upang makabalik sa porma tangan ang 3-5 baraha.
Sa huling laro, hindi matinag ang reigning champion Ateneo de Manila University nang payukuin nito ang De La Salle University, 75-68, para makuha ang ikawalong sunod na panalo.
Nanatili naman ang La Salle sa ikatlong puwesto bitbit ang 5-3 marka.