Cool Smashers reyna ng PVL Open!
MANILA, Philippines — Mabilis na naapula ng Creamline ang init ng PetroGazz nang kubrahin ang 25-18, 15-25, 25-23, 26-16 panalo sa Game 2 upang angkinin ang kampeonato ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kagabi sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.
Bidang-bida si team captain Alyssa Valdez na humataw ng 20 points mula sa all-around game na 14 attacks, 3 blocks at 3 aces kasama pa ang 11 digs para dalhin ang Cool Smashers sa kauna-unahang kampeonato bilang professional team.
“Sobrang thankful ako sa lahat ng sumuporta sa amin mula umpisa hanggang sa huli,” ani Valdez.
Solido ang suporta ni Jema Galanza na nagtala ng 17 points, habang nagdagdag din si opposite hitter Tots Carlos ng 16 markers para sa Cool Smashers.
“Ako naman naglalaro ako para sa teammates ko. Ibinibigay ko talaga ang lahat para suklian iyong tiwala nila sa akin,” ani Galanza.
Nakumpleto ng Creamline ang matamis na sweep sa best-of-three championship series nila ng PetroGazz at ang pagwalis sa buong tournament.
Sa kabuuan ay may apat na kampeonato na ang Creamline sa liga kasama ang korona noong 2018 Reinforced at Open Conference at 2019 Open Conference.
Nagkasya sa runner-up trophy ang Gazz Angels na nakakuha ng 14 points kay Nicole TIamzon at tig-13 galing kina Myla Pablo at MJ Phillips.
Hinirang si Carlos bilang MVP at Best Opposite Hitter
Tinalo naman ng Cignal HD ang Choco Mucho, 25-18, 27-25, 23-25, 25-17, para sa tansong medalya.
- Latest