Creamline kukunin na ang PVL crown

MANILA, Philippines — Puntirya ng Creamline na maisukbit ang kampeonato sa pagharap sa PetroGazz sa Game Two ng best-of-three championship series ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Yna­res Center sa Antipolo City.

Maghaharap ang Cool Smashers at Gazz Angels nga­yong alas-6 ng gabi ma­tapos ang duwelo ng Choco Mucho at Cignal sa alas-3 ng hapon sa best-of-three bronze medal match.

Nakauna ang Creamline nang kubrahin 25-16, 23-25, 25-12, 32-30 panalo laban sa PetroGazz sa Game One no­ong Miyerkules.

Naasahan nang husto ng Cool Smashers sina team captain Alyssa Valdez at opposite hitter Tots Carlos na nagtala ng tig-26 points.

Bumandera sa attacks ang Creamline matapos magtala ng 76 kills kumpara sa 41 spikes ng PetroGazz bukod sa kanilang 89 excellent digs.

Umaasa si Valdez na ma­bubura ang masamang ka­ranasan sa Ynares kung saan natalo ang Creamline sa PetroGazz sa Game Three ng finals noong 2019.

“We had a very heartbreaking experience in Ynares in 2019. I guess we’ve learned from that because most of us in our roster then are still intact now,” ani Valdez.

Mapapalaban nang husto ang Pe­troGazz dahil parehong injured sina Grethcel Soltones at Myla Pablo.

 

Show comments