Cool Smashers puro na sa PVL crown

MANILA, Philippines — Napigilan ng Creamline ang pagtatangka ng PetroGazz upang makuha ang 25-16, 23-25, 25-12, 32-30 panalo at makalapit sa inaasam na kampeonato sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Walang iba kundi si team captain Alyssa Valdez ang pangunahing sinandalan ng Cool Smashers sa opensa para hablutin ang 1-0 bentahe sa best-of-three championship series.

Nagtala si Valdez ng ka­buuang 26 points, habang bu­manat din nang husto si opposite hitter Tots Carlos at sina outside hitter Jema Galanza, Celine Domingo at Jeanette Panaga para sa ratsada ng Creamline.

Susubukan ng Cool Sma­shers na maiselyo ang ko­rona sa paglarga ng Game Two bukas sa Ynares Sports Center sa Antipolo City.

Sa unang laro, nanaig ang Choco Mucho sa Cignal HD, 25-17, 25-21, 21-25, 25-22, para makuha ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-three bronze-medal match.

Nagpasabog si opposite hitter Kat Tolentino ng 23 points mula sa 19 attacks, 3 blocks at 1 ace, habang ku­mana si middle blocker Bea Deleon ng 11 markers ka­bilang ang 4 blocks para sa Flying Titans.

Nakakuha rin ang Choco Mucho ng 17 hits mula kay Des Cheng at Aduke Ogun­sanya at may impresibong 30 excellent sets at 26 digs si playmaker Deanna Wong.

Nanguna para sa HD Spikers si Roselyn Doria na nagrehistro ng 12 points, samantalang may 11 hits si Ces Molina at tig-10 naman sina Rachel Anne Daquis at Klarisa Abriam.

Show comments