CHICAGO — Nagpasabog si DeMar DeRozan ng season-high 50 points sa pagbangon ng Bulls mula sa 16-point deficit sa third period para agawin ang 135-130 overtime win sa Los Angeles Clippers.
Umiskor ang five-time All-Star ng 17 markers sa fourth quarter at kumamada ng 10 points sa extra period para sa pag-upo ng Bulls (45-32) sa No. 5 spot sa Eastern Conference.
Sa kabila ng kabiguan ay nakamit pa rin ng Clippers (37-40) ang tiket sa play-in tournament sa Western Conference sa pagiging No. 8.
Nag-ambag si Nikola Vucevic ng 22 points at 14 rebounds at may 21 markers si Zach LaVine para sa Bulls na nakatabla sa 118-118 mula sa dalawang free throws ni DeRozan sa huling 3.5 segundo patungo sa overtime.
Sa Salt Lake City, umiskor si Donovan Mitchell ng 29 points sa 122-109 paggupo ng Utah Jazz (46-31) sa LA Lakers (31-45) at tapusin ang kanilang five-game losing skid.
Sa New York, nagposte si Giannis Antetokounmpo ng 44 points, 14 rebounds at 6 assists sa 120-119 overtime win ng nagdedepensang Milwaukee Bucks (48-28) sa Brooklyn Nets (40-37).