MANILA, Philippines — Kaagad bumalikwas ang St. Benilde Blazers mula sa naunang kabiguan makaraang patumbahin ang Lyceum Pirates, 79-68, sa NCAA Season 97 men’s basketball tournament kahapon sa La Salle Greenhills Gym.
Bumangon ang Blazers sa nalasap na 63-67 pagkatalo sa nagdedepensang Letran Knights noong Sabado para sa kanilang 1-1 record, habang nalaglag ang Pirates sa 0-2.
Ipinasok ni JC Cullar ang dalawang free throws para sa 76-65 kalamangan ng St. Benilde sa huling minuto ng fourth quarter kasunod ang triple ni Robi Nayve para selyuhan ang kanilang panalo sa Lyceum.
Tumapos si Nayve na may 17 points para sa Blazers at may 15 at tig-11 markers sina Will Gozum, Cullar at Al Benson, ayon sa pagkakasunod.
Sa unang laro, umiskor si Kim Aurin ng 20 points para igiya ang Perpetual Altas sa 77-56 pagdaig sa kontra sa Jose Rizal University Heavy Bombers.
“Siguro iyong excitement lang ng mga bata kasi for two years, hindi nakapaglaro ng basketball so ito iyong chance nila kaya ang ganda ng nangyari sa amin,” sabi ni Perpetual coach Myk Saguiguit na nakahugot kay Jeff Egan ng 14 points.
Hindi na nakabawi ang Jose Rizal nang mabaon sa 38-64 sa third period.