Nakakatuwang nabubuhay na ulit ang Philippine sports sa pagbabalik-aksiyon ng mga collegiate leagues.
Bukod sa regular na NBA at PBA games na sinusubaybayan ng mga basketball fans, dagdag na ngayon sa listahan ang UAAP at NCAA na nagbukas ng kani-kanilang liga noong Sabado ngunit wala pa rin silang live audience.
Okay na rin ‘yun kesa nakatengga pa rin. At least nakabalik-aksiyon na. Kung mas gaganda pa ang sitwasyon, papayagan na rin ang mga fans tulad sa PBA.
Salamat sa patuloy na pagbaba ng kaso ng COVID-19 at lumuluwag nang lumuluwag ang restrictions dito sa Pinas na nagbigay-daan upang mabuhay na ulit ang sports sa bansa.
Halos bumabalik na tayo sa normal na buhay maliban na lang sa pagsunod sa mga standard protocols na pagsuot ng face-mask at social distancing.
Huwag lang sana tayong masyadong magpabaya.
Madami na kasi ang nakakalimot o di kaya ay binabalewala na ang protocols.
Mayroon diyan na ayaw nang magsuot ng facemask, kung hindi nasa baba, nasa leeg. Madami rin ang hindi na ginagawa ang social distancing, lalo na sa mga campaign rally na iyan… Diyoskopo!!!
Huwag nating kakalimutan na nandiyan pa rin po ang COVID-19.
Kung magpapabaya tayo, baka bumalik na naman tayo sa dati… ke ganda na nga ngayon at may mga napapanood na tayong mga liga.
Huwag nating hayaang dumami ulit ang mga cases at bumalik na naman tayo sa mga lungga natin.