MANILA, Philippines — Magarbong tinapos ng Cignal HD Spikers ang eliminasyon matapos pasukuin ang Philippine Army, 25-20, 20-25, 25-17, 25-19, kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Paco Arena sa Maynila.
Bumandera sa matikas na atake ng HD Spikers si middle blocker Ria Meneses na nagpakawala ng 15 puntos mula sa 12 attacks, dalawang blocks at isang ace.
Nagdagdag naman si team captain Rachel Anne Daquis ng 13 hits, 18 digs at 12 receptions para hatakin ang Cignal sa matamis na sweep sa eliminasyon tangan ang imakuladang 4-0 rekord.
Nakuha ng HD Spikers ang top seeding at twice-to-beat card sa Pool A kung saan makakaharap nito ang Pool B No. 4 seed BaliPure sa quarterfinals.
Nakakuha ng malakas na suporta ang HD Spikers mula kay Ces Molina naglista ng 12 puntos sa kabila ng paglalaro lamang nito sa third at fourth sets.
Malaki rin ang kontribusyon nina Roselyn Doria at Angeli Araneta na may pinagsamang 19 puntos para sa Cignal.
Muling naging matatag ang depensa ng HD Spikers sa net matapos makakhua ng siyam na blocks laban sa apat ng Lady Troopers.
Nakaungos din ito sa attacks (55-51).
Tinapos ng Lady Troopers ang kampanya nito na walang panalo sa apat na pagsalang.