BaliPure taob sa Gazz Angels

MANILA, Philippines — Sumalo sa liderato ang PetroGazz Angels matapos patumbahin ang BaliPure sa pamamagitan ng 25-14, 25-20, 23-25, 25-21 desisyon kahapon sa Premier Volleyball League (PVL) Open Conference sa Paco Arena sa Maynila.

Mainit ang palad nina Grethcel Soltones, Remy Palma at MJ Philips na pare-parehong nagpasabog ng 12 puntos para dalhin ang Gazz Angels sa unang panalo.

Nagdagdag aman si Aiza Maizo-Pontillas ng 10 hits habang kumana si Nicole Tiamzon ng siyam na puntos para sa Gazz Angels.

Lamang na lamang ang Gazz Angels sa lahat ng scoring departments kabilang na ang 51-44 edge sa attacks at 12-7 bentahe sa blocks.

Nagpakawala pa ang PetroGazz ng 10 aces laban sa dalawa lamang ng Purest Water Defenders.

Bagsak sa 0-1 ang BaliPure na nakakuha ng 19 puntos kay Janine Marciano at 11 markers kay Geneveve Casugod.

Subalit wala nang player ng Purest Water Defenders ang nagrehistro ng double digits.

Magkukrus naman ang landas ng Champions League titlist F2 Logistics at reigning champion Chery Tiggo ngayong araw sa alas-6 ng gabi habang masisilayan din ang duwelo ng Choco Mucho at Philippine Army sa alas-3 ng hapon.

 

Show comments