WBA Asia title nahablot ni Suarez
MANILA, Philippines — Tuloy ang matikas na ratsada ni Rio Olympics veteran Charly Suarez sa professional boxing.
Naitarak ni Suarez ang impresibong 12th-round knockout win kay Tomjune Mangubat upang mapanalunan ang World Boxing Association (WBA) Asia super featherweight title sa Elorde Sports Complex sa Parañaque City.
Patapos na sana ang laban nang pakawalan ni Suarez ang solidong uppercut na nagpatumba kay Mangubat para makuha ang knockout win.
Aminado si Suarez na hindi birong kalaban si Mangubat na nagbigay din ng magandang laban.
“I am honored to have shared the ring with a noble fighter in Tomjune Mangubat, you brought your A-game and it made me be as sleek and focused like a tiger on the prowl and ready to pounce. I am grateful for the challenge you brought my way,” pahayag ni Suarez.
Bago maging pro boxer, maningning ang amateur campaign ni Suarez.
Nakahirit ito ng tatlong gintong medalya sa Southeast Asian Games kabilang na ang kampeonato nito sa men’s lightweight division noong 2019 edisyon sa Maynila.
Umaasa si Suarez na mabibigyan ito ng tsansa para makasabak sa isang world title fight.
- Latest