Kailan matatapos?

Hanggang ngayon hindi pa tapos ang issue ng national pole vaulter at kasalukuyang World No. 5 na si EJ Obiena at ni Philippine Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ellla Juico.

Matatapos lang ito kung lalambot ang puso ng dalawa.

Masyado nang malaki ang isyu na nagsimula lang sa nakitang mali sa liquidation pero masyado nang madaming na-involve.

Ganito kasi iyan….

Nagalit si tatay (Juico) sa anak (Obiena). Kinampihan ang anak ng mga kamag-anak. Itinakwil  ng mga kamag-anak ang tatay kaya itinakwil din ng tatay ang anak. Ayaw nang suportahan ng tatay ang anak, sinalo ng mga kamag-anak ang anak. Nagsumbong ang tatay sa mas nakatataas, kinampihan siya. Kailangan nga­yong hingin ng anak ang basbas ni tatay para sa sasalihang importanteng laban, eh ayaw ni tatay. Ngitngit ngayon si anak at mga kamag-anak.

Sabihin na nating, nasaktan si tatay, nasaktan din ang anak, Pero sabi nga, ang lahat ay nadadaan sa mabuting usapan.

Kung may magpapa­tawad, kung may magpapakumbaba, baka matapos na ang isyung ito.

Parehong may ipinaglalaban sina Obiena at Juico. Sige intindihin natin iyan… Pero, sino ba ang apektado?

Sambayanang Pinoy ang nawawalan ng maipagmamalaking karangalan. Ito lang ang dapat ikunsidera para tapusin ang isyung ito.

Show comments