ORLANDO, Fla. — Tumipa sina Deandre Ayton at Landry Shamet ng tig-21 points at sinupalpal ni Mikal Bridges ang panabla sanang 3-pointer ni Franz Wagner sa 102-99 pagtakas ng NBA-leading Phoenix Suns sa Magic.
Matapos ang dalawang free throws ni Cameron Payne sa huling 6.9 segundo ng laro para sa three-point lead ng Phoenix (52-13) ay blinangka ni Bridges ang tangkang tres ni Wagner sa huling posesyon ng Orlando (16-50).
Nagtala rin si Ayton ng 19 rebounds at iniskor ang huling dalawang basket ng Suns kabilang ang isang putback sa 1:31 minuto matapos agawin ng Magic ang 98-97 abante.
Nagdagdag si Payne ng 18 points at 12 assists para sa Phoenix na muling naglaro na wala sina injured All-Star guards Chris Paul at Devin Booker.
Sa Oklahoma City, kumamada si Giannis Antetokounmpo ng 39 points, 7 rebounds at 7 assists sa 142-115 pagmasaker ng nagdedepensang Milwaukee Bucks (41-25) sa Thunder (20-45).
Sa San Francisco, nagtala si Jonathan Kuminga ng 21 points sa 112-97 paggiba ng Golden State Warriors (44-22) sa Los Angeles Clippers (34-33).
Sa Memphis, naglista si Ja Morant ng 24 points, 8 rebounds at 8 assists sa 132-111 pagbugbog ng Grizzlies (45-22) sa New Orleans Pelicans (27-38).
Sa Charlotte, nagsalpak si Kyrie Irving ng siyam na triples para sa kanyang 50 points sa 132-121 pagdaig ng Brooklyn Nets (33-33) sa Hornets (32-34).