MANILA, Philippines — Uuwi si Mylene Paat bitbit ang dalawang maningning na premyo mula sa matamis na kampanya nito sa Thailand Volleyball League sa Bangkok, Thailand.
Tinulungan nito ang Nakhon Ratchasima na masungkit ang third-place finish upang magbulsa ng tansong medalya.
Ngunit hindi lang ang bronze medal ang iuuwi ni Paat.
Itinanghal din itong Best Scorer sa liga matapos magtala ng average na 20 puntos kada laro.
Si Paat ang kauna-unang professional volleyball player sa Pilipinas na nagkamit ng special award bilang import sa international competition.
Kaya naman hindi maitago ni Paat ang kanyang saya at lubos na pasasalamat sa magandang biyayang natanggap nito.
“Napakabuti mo Panginoon,” ani Paat sa kanyang post sa Instagram.
Kaliwa’t kanan ang mainit na mensaheng natanggap nito kabilang na ang mga kasama nito sa national team at iba pang volleyball players sa bansa.
May kani-kanyang mensahe rin sina Marck Espejo, Carmela Tunay, Majoy Baron, Maddie Madayag, Jen Reyes at maging si PBA star Gabe Norwood.
Kasama ni Paat sa listahan ng mga awardees sa Thailand sina MVP at Best Outside hitter Sasipaporn Janthawisut ng Diamond Food, Chitaporn Kamlangmak ng Nakhon Ratchasima, Kaewkalaya Kamulthala ng Diamond Food (Best Middle Blocker) at Kannika Thipachot ng Supreme Chonburi (Best Outside Hitter).