FIBA World Cup Asian Qualifiers didribol ngayon
MANILA, Philippines — Tengga muna ang Gilas Pilipinas subalit kaabang-aban pa rin ang pag-arangkada ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers tampok ang laban ng New Zealand at India ngayon sa Smart Araneta Coliseum.
Walang laro ang Gilas na kalaban sana ang South Korea bago ito umatras matapos madale ng COVID-19 ang koponan na nagresulta sa nag-iisang laro ng India at New Zealand sa Group A sa alas-3 ng hapon.
Bibida sa India ang dating NBA G League teammate ni Kai Sotto na si Princepal Singh habang kasama sa koponan ng Tall Blacks ang dating mga UAAP players na sina Taane Samuel ng La Salle at Richie Rodger ng UE.
Unang duwelo ito sa pagitan ng dalawang koponan bago mag-rematch sa Lunes sa parehong oras at venue.
Sa panig ng Gilas, magkakaroon ito ng dagdag na araw upang makapaghanda kontra sa India na kikilatisin nila sa Biyernes bago sagupain ang New Zealand sa Linggo.
Naging dalawa lang ang laro ng Gilas imbes na apat sa siksik na five-day schedule dahil sa pagkambyo ng South Korea nang malagay sila sa close contacts matapos magpositibo ang isang manlalaro bago sila lumipad pa-Pilipinas.
Isang 15-man pool ang dinala sa Novotel-Smart Araneta Coliseum bubble para sa laban kontra India at New Zealand at inaasahang maglalabas ng final 12-man roster bago ang bawat laro.
Binabanderahan ito nina TNT Tropang Giga players Troy Rosario, Roger Pogoy, Poy Erram, Kelly Williams, Kib Montalbo at Gab Banal.
Kasama rin sina Robert Bolick ng NorthPort, Thirdy Ravena, Dwight Ramos at Juan Gomez de Liaño ng Japan B. League, teen star Lebron Lopez, Gilas cadets Will Navarro, Jaydee Tungcab, Tzaddy Rangel at naturalized player Ange Kouame.