MANILA, Philippines — Hindi pa nasisilayan sina Jayson Castro at Carl Bryan Cruz sa training camp ng Gilas Pilipinas sa Smart Araneta Coliseum para sa FIBA World Cup Qualifiers na idaraos sa Pebrero 24 hanggang 28.
Wala ang dalawang mahusay na players sa grupo ng mga Talk ’N Text Tropang Giga players na dumating sa Big Dome para mag-ensayo.
Tanging sina Poy Erram, Kelly Williams, Kib Montalbo, Gab Banal, Troy Rosario at Roger Pogoy ang sumipot kasama si Robert Bolick ng NorthPort.
Wala pang linaw kung tuluyan nang hindi makalalahok sina Castro at Cruz sa qualifiers o nakatakda itong dumating sa mga susunod na araw ng ensayo ng tropa.
Gayunpaman, tuloy ang ensayo ng Gilas Pilipinas na nagkukumahog na sa training lalo pa’t ilang araw pa lamang itong nagsasanay nang magkakasama.
Binabantayan ni Gilas Pilipinas assistant coach Marc Pingris ang ilang bagitong players ng pool.
Kabilang sa tinututukan ni Pingris si naturalized player Angelo Kouame na magiging katuwang nina Erram at Rosario sa rotation.