Players nagpositibo sa COVID-19
MANILA, Philippines — Hindi na tutuloy ang South Korea sa first window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers dahil sa dami ng nagpositibo sa COVID-19 sa kanilang koponan.
Ito ang napagdesisyunan ng Korean Basketball Association sa ginanap na emergency meeting kahapon bago ang paglipad sana ng national team nito pa-Pinas, ayon sa ulat ng Korean outlet Jumpball.
Bago kasi ang kanilang pag-alis ay nagkaroon uli ng isa pang kaso ng COVID-19 na naglagay sa buong koponan sa ilalim ng close contact list.
Nauna nang nadale ang karamihan sa 16-man pool ng SoKor noong nakaraang linggo sa pangunguna ng pambatong naturalized player na si Ra Gun-A (Ricardo Ratliffe).
Wala pang pahayag ang FIBA sa magiging kapalaran ng SoKor kung ipo-forfeit ba ang mga laro nito sa naturang window o malilipat sa second window sa Hunyo dahil sa hindi inaasahang pangyayari.
Nakatakdang kalabanin ng SoKor ang Gilas bukas at sa Lunes gayundin ang New Zealand sa Biyernes at India sa Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Bagama’t wala pang kumpirmasyon ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) kung ito na ang opisyal na pool ng Gilas ay kabuuang 15 manlalaro ang nasa bubble sa pangunguna nina Roger Pogoy, Troy Rosario, Poy Erram, Kelly Williams, Kib Montalbo at Gab Banal ng TNT Tropang Giga.
Kasama nila sina Thirdy Ravena, Dwight Ramos, Robert Bolick, Juan Gomez de Liaño, Lebron Lopez, Jaydee Tungcab, Will Navarro, Tzaddy Rangel at naturalized player Ange Kouame.