MANILA, Philippines — Tiwala sina national mainstays Mylene Paat at Dindin Santiago-Manabat na magtutuluy-tuloy ang magandang inilalaro ng mga ito upang tulungan ang Nakhon Ratchasima sa kampanya nito sa second round ng Thailand Volleyball League.
Ilang araw pa lamang kasama ni Santiago-Manabat ang Nakhon Ratchasima sa training ngunit naging maganda agad ang resulta ng kanyang debut game.
Nagtala agad ang outside hitter ng 12 puntos sa 25-17, 25-15, 25-22 demolisyon ng Nakhon Ratchasima sa Nakornnont sa larong ginanap sa Nimibutr Stadium sa Bangkok.
Hindi pa kuntento si Santiago-Manabat sa ipinamalas nito.
“Magtatagpo din kami. Sorry na po, nag-aadjust pa ako two days pa lang kaming nagtraining. Magkoconnect pa kami. Sorry na agad agad,” ani Santiago-Manabat.
Inaasahang mas lolobo pa ang produksiyon ni Santiago-Manabat sa oras na magamay nito ang laro ng kanyang koponan.
Ramdan na ramdam din ang puwersa ni Paat na siyang top scorer ng Nakhon Ratchasima kung saan humataw ito ng 24 puntos kabilang ang 11 puntos sa second set.
Umangat ang Nakhon Ratchasima sa 5-4 rekord para sa No. 4 spot. Bagsak naman sa 4-6 baraha ang Nakornnont.