BaliPure nag-bubble training sa Pampanga

MANILA, Philippines — Nagsimula na ang BaliPure sa bubble training nito sa Pampanga para paghandaan ang Premier Volleyball League (PVL) Open Conference na papalo sa Marso 16.

Sasalang sa 40 araw na training camp ang Purest Water Defenders sa Colegio de San Sebastian gymnasium upang buuin ang chemistry ng tropa matapos sumailalim sa major revamp.

Nangunguna sa listahan ang bagong recruit na si outside hitter Jhoana Maraguinot kasama sina Janine Marciano, Julia Ipac, Marian Buitre, Rap Aguilar, Jamie Lavitoria, Alyssa Eroa at Patty Orendain.

Aariba rin para sa BaliPure sina Bernadeth Flora, Alina Bicar, Gen Casugod, Satianni Espiritu, Gyra Barroga at Carly Hernandez.

Hahawakan ito ni head coach Rommel Abella na umaasang magiging maganda ang chemistry ng kanyang bataan dahil mayorya ng miyembro nito ay galing sa iba’t ibang koponan.

“Sana mabilis na makuha ‘yung chemistry ng team kaya maganda rin na nasa bubble training kami para nandun ‘yung bonding ng buong team,” ani Abella.

Noong nasa BaiPure pa si Graze Bombita, matatandaang ginulantang ng Purest Water Defenders ang reigning PVL Open Conference champion Chery Tiggo sa isang five-set game. Eight-place ang BaliPure sa naturang kumperensiya.

Sa pagpasok ng mga beteranong players sa lineup, umaasa si Abella na mas magiging maganda ang kanilang kampanya.

Show comments