MANILA, Philippines — Tatlong venues ang tinitingnan ng Philippine Basketball Association (PBA) para sa restart ng Governors Cup sa isang home-venue-home set-up sa susunod na buwan.
Ang mga ito, ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, ay ang Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, Ynares Sports Arena sa Pasig City at ang Ynares Center sa Antipolo City. “Kung ano iyong mapagkasunduan natin with the venues, doon na tayo maglalaro,” wika ni Marcial.
Ipinagpaliban ng PBA ang lahat ng laro sa buwan ng Enero nang lumobo ang mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Metro Manila na nagtulak sa Inter-Agency Task Force (IATF) para ipatupad ang mahigpit na Alert Level 3.
Huling naglaro ang PBA noong Disyembre 26 sa harap ng limitadong live audience sa Smart Araneta Coliseum.
Nakausap na ni Marcial si Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos via Zoom tungkol sa ilalatag nilang request sa mga Local Government Units (LGUs) para mapayagan sa 5-on-5 scrimmages.
“Susulatan ko iyong anim na mga Mayors and si MMDA chairman Abalos,” wika ni Marcial. “Pero scrimmages lang muna.”
Mag-eensayo ang 12 teams sa mga venues sa Quezon City, Pasig City, Mandaluyong City, Paranaque City, San Juan City at Pasay City.
Nakasaad sa request letter ng PBA ang mga gagamiting health and safety protocols bago at matapos ang team scrimmages, pagsailalim sa antigen testing ng mga players, coaches at staff at endorsement ng Games and Amusement Board (GAB).
Sakaling bigyan ng go signal ng nasabing mga LGUs ay kaagad magsisimula ang 5-on-5 practice ng mga koponan kung saan bibigyan sila ng 10 araw para makapagpakondisyon.
Sa muling pagbubukas ng Governors Cup ay wala munang papayagang fans sa venue bilang pag-obserba sa protocols.
Sinimulan ng liga ang import-flavored conference sa isang home-ve-nue-home set-up sa Ynares Sports Arena bago lumipat Pampanga at bumalik sa Smart Araneta Coliseum noong Disyembre 15 na may limitadong live audience.