Juan GDL susubok sa B.League free agency

MANILA, Philippines — Wala pang pahayag si Juan Gomez de Liaño kung ano ang susunod niyang hakbang matapos maging free agent subalit nagpasalamat pa rin sa tiwala at tsansa na ibinigay ng Earthfriends Tokyo Z sa Japan B. League Division II.

“Thank you to Tokyo Z for giving me the opportunity and opening doors for me to play in such a beautiful country,” ani De Liaño.

Kamakalawa ay binitawan ng Tokyo Z si De Liaño matapos ang kanilang mutual agreement sa pagwawakas ng kanyang kontrata para sa 2021-2022 B. League regular season.

Bilang isa sa pinakamagaling na collegiate players sa bansa ay malaki ang inasahan kay De Liaño, subalit limitado lang ang naging aksyon sa Tokyo Z tungo sa mga averages na 5.3 puntos, 2.2 rebounds at 2.5 assists.

Hindi na idinetalye ng Tokyo Z ang dahilan sa pagpapakawala kay De Liaño sa kasagsagan ng kanilang maalat na kampanya hawak ang 5-25 kartada sa ika-13 puwesto ng B. League Division II.

Dahil dito ay free agent na si De Liaño sa B. League at ayon sa ugung-ugong ay namumurong kunin ng ibang koponan sa Division I sa natitirang bahagi ng regular season.

Nasa Division I ang kuya niyang si Javi, na naglalaro para sa Ibaraki Robots, kasama ang ibang mga Filipino imports sa pangunguna ng magkapatid na Kiefer (Shiga) at Thirdy Ravena (San-en).

Show comments