MANILA, Philippines — Tuloy ang balasahan sa Premier Volleyball League (PVL) at sa pagkakataong ito, ang PLDT Home Fibr naman ang nasa rebuilding process at hinugot sina PetroGazz key players libero Kath Arado, middle blocker Jessey De Leon at outside hitter Mean Mendrez.
Panalo ang High Speed Hitters sa pagkuha kay Arado na reigning Best Libero sa liga.
Malaki ang maitutulong nito kay playmaker Rhea Dimaculangan upang makabuo ng solidong plays sa kanilang mga spikers.
Maaasahan naman sina De Leon at Mendrez sa attacking department gaya ng ginawa ng dalawa noong nasa kampo pa ng Gazz Angels ang mga ito.
Makakatuwang nila sina Chin Basas, Nieza Viray at Eli Soyud na kasama sa apat na players na na-retain sa lineup ng PLDT.
Magandang reunion ito para kina Arado, Dima-culangan, Basas at Soyud na magkakasama na dati sa Generika-Ayala Lifesavers sa Philippine Superliga.
“Actually, to be honest, ang isang factor na nag-decide na sumali ako sa PLDT is ‘yung magiging teammates ko. Kami nila Ate Rhea, Chin, at Ate Eli, nagsama-sama nun sa Generika. Kilala ko na po sila e at malaking bagay ‘yun. Hindi ako nagdalawang isip na pumunta dito,” ani Arado.
Umaasa si Arado na matutulungan nito ang High Speed Hitters sa kampanya sa nakatakdang pagbubukas ng PVL Open Conference sa Pebrero 16.
“Goal ko siyempre is matulungan sila Ate Rhea na makabalik sa top four muna pero hindi magi-ging madali ‘yun. Kailangan namin pagtrabahuan at laging mag-improve,” ani Arado.