Hornets inilusot ni ball sa Bucks

CHARLOTTE — Itinakas ni LaMelo Ball ang Hornets matapos isalpak ang isang off-balance, go-ahead floater sa natitirang 15 segundo para lusutan ang NBA champion Milwaukee Bucks, 103-99.

Iniskor ni Ball ang 18 sa kanyang 23 points sa second half para gabayan ang Charlotte (22-19) sa pag-eskapo sa Milwaukee (26-17).

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Hornets na nakahugot kay Terry Rozier ng 27 points, habang nagtala si Miles Bridges ng 17 points at 11 rebounds.

Matapos ang basket ni Ball ay nagkaroon ng tsansa ang Bucks na makatabla kundi lamang nagkaroon ng turnover si Giannis Antetokounmpo sa huling 3.3 segundo.

Isinalpak ni Bridges ang dalawang free throws para selyuhan ang panalo ng Charlotte.

Tumapos si Antetokounmpo na may 43 points at 12 rebounds para sa Milwaukee at nagposte si Khris Middleton ng 27 points, 10 boards at 9 assists.

Sa Houston, kumolekta si center Joel Embiid ng 31 points, 8 rebounds at 6 assists para igiya ang Philadelphia 76ers (23-16) sa 111-91 paggupo sa Rockets (11-31) at ilista ang kanilang pang-pitong sunod na ratsada.

Ito ang ika-pitong pagkakataon na umiskor si Embiid ng 30-point game para sa Philadelphia at na­ging ikalawang player sa NBA history na nagtala ng eksaktong 31 points sa apat na sunod na laro matapos si Bob McAdoo para sa Buffalo Braves noong Nobyembre ng 1973.

Sa Boston, humataw si Jaylen Brown ng 26 points at may 24 markers si Jayson Tatum sa 101-98 overtime victory ng Celtics (20-21) kontra sa Indiana Pacers (15-26).

Sa iba pang laro, wagi ang Portland Trail Bla­zers sa Brooklyn Nets, 114-108; panalo ang Detroit Pistons sa Utah Jazz, 126-116; iginupo ng New York Knicks ang San Antonio Spurs, 111-96; at lusot ang Cleveland Cavaliers sa Sacramento Kings, 109-108.

 

Show comments