MANILA, Philippines — Nagpahiwatig si dating Gilas Pilipinas naturalized player Andray Blatche ng kagustuhang makabalik sa bansa upang maglaro sa PBA kung mabibigyan ng pagkakataon.
“I wanna come play,” ani Blatche sa kanyang tweet reply sa video post ng PBA sa 2021 Governors’ Cup action sa pagitan ng TNT Tropang Giga at Rain or Shine.
Bagama’t Pilipino sa pamamagitan ng naturalization ay magsisilbi ring import si Blatche kung sakali gaya ng naging stint ni Marcus Douthit na sumalang para sa Air21 at Blackwater noong 2012 at 2015 PBA Commissioner’s Cup, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabila nito, hindi magiging madali ang hangaring paglalaro ng 6-foot-11 na si Blatche sa import-flavored conferences ng PBA dahil sa height limits nito.
Sa mga nakalipas na Commissioner’s Cup ay hanggang 6’10 lang ang height ng mga imports na puwedeng kunin ng mga PBA teams na magiging balakid kay Blatche maliban na lang kung luluwagan ito ng liga.
Huling naglaro si Blatche para sa Philippine team na Mighty Sports na ginabayan niya sa kampeonato ng Dubai International Basketball Championship noong 2020 kasama sina dating San Miguel import Renaldo Balkman at 2021 PBA Rookie of the Year Mikey Williams ng TNT.
Para sa Gilas, huli siyang sumalang noong 2019 FIBA World Cup sa China, kung saan nagtapos sa kulelat na puwesto ang koponan.
Nagsilbi siyang naturalized player ng bansa simula 2014 at trinangkuhan ang Gilas sa magagandang kampanya sa 2014 FIBA World Cup sa Spain at 2015 FIBA Asia Championship sa China.