WASHINGTON — Humakot si star center Joel Embiid ng 36 points at 13 rebounds para pangunahan ang Philadelphia 76ers sa 117-96 paggupo sa Wizards.
Nagsanib-puwersa sina Embiid, Tyrese Maxey at Seth Curry sa inilunsad na 15-0 atake ng 76ers (17-16) para iposte ang 80-59 kalamangan sa huling 5:22 minuto sa third quarter.
Sa huling 3:04 minuto ng nasabing yugto ay nagkasagutan sina Embiid at Washington big man Montrezl Harrell na nagresulta sa kanilang technical fouls.
Matapos ang 30 segundo ay itinulak at sinigawan ni Harrell si Embiid at pinatawan ng kanyang ikalawang technical foul na nagpatalsik sa kanya sa laro.
May 17 points si Spencer Dinwiddie para pamunuan ang Wizards (17-16).
Sa Miami, naglista si Omer Yurtseven ng 16 points at 15 rebounds at may tig-17 markers sina Jimmy Butler at Caleb Martin sa 93-83 pagtusta ng Heat (21-13) sa Orlando Magic (7-27).
Nag-ambag sina Gabe Vincent at Max Strus ng tig-13 points para sa Miami.
Sa Chicago, humataw si Zach LaVine ng 32 points sa kanyang pagbabalik mula sa NBA health and safety protocols para akayin ang Bulls (20-10) sa 113-105 panalo sa Indiana Pacers (14-20).
Nagdagdag si DeMar DeRozan ng 24 points para sa ikatlong sunod na ratsada ng Chicago at humakot si center Nikola Vucevic ng 16 points at 15 rebounds.
Sa San Antonio, kumamada si Keldon Johnson ng 27 points para banderahan ang Spurs (14-18) sa 144-109 paglampaso sa Detroit (5-27).
Sa Los Angeles, naglista si Nikola Jokic ng 26 points at 22 rebounds para tulungan ang Denver Nuggets (16-16) sa 103-100 pagtakas sa Clippers (17-16).
Sa iba pang laro, tinalo ng Oklahoma City Thunder ang New Orleans Pelicans, 117-112 at pinulutan ng Memphis Grizzlies ang Sacramento Kings, 127-102.