Ibang laban na ang sinabak ni Manny Pacquiao

Manny Pacquiao.

MANILA, Philippines — Mahigit dalawang dekadang binigyang-saya ni Manny Pacquiao ang kanyang mga fans hindi lamang dito sa Pilipinas kundi sa buong mundo, hindi lamang mga Pinoy kundi maging ibang lahi.

Ngunit nagdesisyon si Manny Pacquiao na iwan ang mundo ng boxing para pagsilbihan ang kanyang mga kababayang sa pamamagitan pagsabak ng panibagong laban.

Matapos hubaran ng World Boxing Association (WBA) ng titulo dahil sa umano’y “inactivity” nito o kawalan ng laban sa loob ng halos dalawang taon sapul noong Hulyo 20, 2019 kung saan naagaw nito ang WBA welterweight belt ni Keith Thurman via split decision, nakatapak lamang uli ito sa ring noong Agosto 21, 2021 laban kay Yordenis Ugas ng Cuba sa T-Mobile Arena sa Las Vegas, Nevada ngunit nagtamo ito ng unanimous decision loss.

Isa sa itinuturing na dahilan ang sobrang ensayo nito dahil ilang araw bago ang laban, inamin ni Pacquiao na sumalang pa ito sa ilang workout kabilang na ang sprint.

Ilang linggo matapos ang laban, gumawa ng ingay si Pacquiao matapos ang deklarasyon nitong tatakbo ito bilang pangulo sa National Elections sa susunod na taon.

Noong nakaraang taon, marami na ang nagsulputang bali-balita na target nitong sumabak sa Presidential Elections. At natuldukan ang lahat nang kumpirmahin ito ni Pacquiao noong Setyembre.

Ito rin ang parehong panahon nang magdesisyon si Pacquiao na tuluyan nang magretiro at lisanin ang mundo ng boksing.

“My time as a boxer is over,” ani Pacquiao na iiwan ang boxing na may 62-wins kabilang ang 39 knockouts, 8-loss at 2-draw na kinapalooban ng walong world titles sa magkakaibang weight division na siya pa lamang ang nakakagawa para kilalaning isa sa greatest boxers of all time.

Nais ni Pacquiao na ituon ang lahat ng kanyang atensiyon sa kampanya dahil nauna na nitong inihayag na pangarap nitong makatulong sa mga kababayan nito partikular na ang mga mahihirap.

Alam ni Pacquiao ang buhay mahirap dahil nanggaling din ito sa hirap.

Ngunit dahil sa boxing, nai-angat ni Pacquiao sa kahirapan ang kanyang buong pamilya.

“I never thought that this day would come. As I hang up my boxing gloves, I would like to thank the whole world especially the Filipino people for supporting Manny Pacquiao. Goodbye boxing, thank you for changing my life,” ani Pacquiao.

Show comments