Meralco, Limitless sa quarters
MANILA, Philippines — Apat na koponan sa pangunguna ng Leg 2 champion Meralco at Leg 5 titlist Limitless App ang umabante sa quarterfinals ng 2021 PBA 3x3 Lakas ng Tatlo tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagposte ang Bolts nina Dexter Maiquez, Alfred Batino, Maclean Sabellina at RJ Deles ng 2-0 record sa Pool C matapos talunin ang Ginebra Gin Kings, 21-11, at lusutan ang Terrafirma Dyip, 21-18, papasok sa knockout quarterfinals.
Tinalo naman ng Appmasters nina Brandon Ganuelas-Rosser, Jorey Napoles, Marvin Hayes at Reymar Caduyac ang Pioneer Pro Tibay, 21-19, at Cavitex Braves, 21-16, ngunit yumukod sa Platinum Karaoke, 11-16, sa Pool A.
Bukod sa Meralco at Limitless, pasok din sa quarters ang Platinum Karaoke (3-0) sa Pool A at San Miguel (2-0) sa Pool B.
Na-forfeit naman ang lahat ng laro ng Zamboanga Valientes sa Pool A matapos nabigong makapagsumite ng complete line-up dahil sa injuries ng kanilang mga players.
Pag-aagawan ngayon sa final leg na inihahandog ng 1Pacman Party List ni NorthPort team owner at House Deputy Speaker Mikee Romero ang premyong P100,000.
Itinakda sa Disyembre 29 ang Grand Finals ng first conference na magtatampok sa top 10 teams na maglalaban sa P750,000 premyo.
- Latest